Kamakailan ay inilunsad ng Department of Information and Communications Technology ang eGovPH Super App, isang mobile application para padaliin ang transakyon ng publiko sa gobyerno kung saan kabilang ang PhilHealth sa mga ahensya ng gobyernong makikita sa nasabing app.
Layunin nitong mas mapadali at mapabilis ang access sa inyong PhilHealth gaya na lamang ng mga impormasyon tulad ng pangalan, address, membership category, at iba pa.
Makikita rin dito kung magkano ang naibayad, mga impormasyon tungkol sa benepisyo at serbisyo ng PhilHealth.
Ang PhilHealth Member Portal ay isang online service kung saan pwedeng makita ng miyembro ang kaniyang membership record sa PhilHealth tulad ng contribution history, mag-register sa napiling Konsulta Package Provider, at iba pa.
Paalala naman ni Kristine G. Fontanoz, Information Officer-designate, Public Affairs Unit PhilHealth Regional Office – I, Dagupan City na huwag i-share ang user name, password, at anumang impormasyon ng iyong Member Portal account kahit kanino at responsibilidad ng miyembrong pangalagaan ang kaniyang account para masigurong hindi magagamit ng iba ang kaniyang account.
Dapat din ay maging responsableng miyembro po tayo, ugaliing magbayad ng PhilHealth premium para magamit ang benepisyo anumang oras na mayroong medical emergency, tiyaking updated ang inyong membership record sa PhilHealth, tiyaking PhilHealth accredited ang ospital at doktor at siguruhing naibawas ang tamang benepisyo sa hospital bill.