Dagupan City – Ibinahagi ng Overseas Filipino Worker (OFW) sa United Arab Emirates ang kaniyang karanasan at takot habang umiigting ang digmaan sa pagitan ng Iran at Israel na may malawak na epekto sa buong Gitnang Silangan.
Ayon kay Mario Pronoble Caligan, Bombo International News Correspondent sa UAE, dahil malapit ang bansa sa Iran ay ramdam nila ang palitan ng mga missiles at mga pagpapatama ng drone at rocket sa paligid ng rehiyon.
Aniya, bagama’t under control pa rin ang sitwasyon sa UAE sa kasalukuyan, dahil sa tagal niyang paninirahan doon ay maituturing niya itong isa sa pinakamalalang karanasang naranasan niya.
Sa katunayan aniya ramdam ng mga residente ang pag-vibrate ng lupa lalo na tuwing may mga airstrike sa mga kalapit na bansa.
Sa kabila nito, nasanay na rin aniya ang mga taga-UAE sa mga tensyon sa rehiyon at tinuturing ng ilan na karaniwan na ang mga ganitong kaganapan.
Dahil saa tensyon, nagpaalala naman ang mga awtoridad sa bansa na sundin ang mga safety advisories tulad ng pag-alerto at huwag lumabas ng bahay kung hindi kinakailangan upang maiwasan ang panganib.
Ayon sa pinakabagong datos, mula nang nagsimula ang mga retaliatory strikes ng Iran bilang tugon sa mga pagsalakay ng Estados Unidos at Israel, may 3 katao na napatay at hindi bababa sa 58 iba pa ang nasugatan dahil sa debris at epekto ng mga pag-atake, ayon sa ulat ng defense ministry ng UAE.










