DAGUPAN CITY—Inilarawan ni Rexie Mark Guerta, Bombo International News Correspondent sa Haifa, ang patuloy na paglala ng sitwasyon sa Israel kung saan mas tumitindi ang mga pag-atake at dumarami ang sibilyang nasasawi.

Ayon kay Guerta, naging mas mabagsik ang opensiba ng Iran matapos itong gumamit hindi lamang ng mga missile kundi pati ng cluster bombs. Dahil dito, lalong nanganganib ang kaligtasan ng mga sibilyan, kabilang ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa lugar.

Dahil sa matinding takot at kawalang-katiyakan, may ilang OFWs na mas pinipiling manatili at matulog sa mga bomb shelter kaysa isugal ang kanilang kaligtasan sa posibleng pag-atake.

--Ads--

Bagamat matagal na siya sa Israel, aminado si Guerta na nananatili ang takot sa tuwing tutunog ang mga sirena. Aniya, ang bawat pagsabog ay tila isang malakas na lindol na yumanig hindi lamang sa kanilang paligid kundi pati sa kanilang damdamin.

Kapansin-pansin din umano ang emosyonal na kalagayan ng mga tao sa lugar. Marami ang balisa at laging nakaalerto. May ilan sa kanila ang nais nang umuwi sa Pilipinas, subalit karamihan—kabilang si Guerta—ay pinipiling manatili at harapin ang sitwasyon.

Sa gitna ng lahat, ang tanging pinanghahawakan na lamang nila ay panalangin.

Dagdag pa ni Guerta, bagamat nakatuon ang pansin ng mundo sa mga balita tungkol sa tensyon sa Middle East, hindi lubos na nakikita ang tunay na kalagayan ng mga nasa loob mismo ng conflict zone—kung sila ba ay ligtas, may sapat na pagkain, at kung may natatanggap bang tulong mula sa pamahalaan ng Pilipinas.