Itinaas na ng Office of Civil Defense (OCD) Region I ang red alert status kaninang alas-11 ng umaga sa buong rehiyon, bilang tugon sa posibleng epekto ng Bagyong Isang.

Ayon kay Adreanne Pagsolingan, Public Information Officer ng OCD Region I, nakataas na sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang lahat ng probinsya sa rehiyon.

At batay sa listahan ng ahensya, may higit 800 barangay sa Region I ang kabilang sa mga lugar na susceptible to flooding.

--Ads--

Bagama’t wala pang naitatalang pagbaha sa kasalukuyan, nakakaranas na ng malalakas na pag-ulan ang ilang bahagi ng rehiyon.

Dahil dito, pinaigting ng OCD ang paghahanda at nanawagan sa mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng pre-emptive evacuation lalo na sa mga barangay na may banta ng pagbaha at posibleng pagguho ng lupa.

Ipinaliwanag pa nito na ang red alert status ang pinakamataas na antas ng pagbabantay at pagtugon ng OCD.

Ibig sabihin, nakahanda na ang lahat ng kaukulang monitoring, reporting, at response team upang agad makapagsagawa ng aksyon kung kinakailangan.

Nagpaalala naman ito sa publiko na sumunod sa mga abiso ng kanilang lokal na pamahalaan, lalo na kung magsasagawa ng pre-emptive evacuation.

Aniya, ito ay para sa kaligtasan ng bawat residente sa harap ng posibleng pinsala ng bagyo.