Pinag-aaralan na ng mga otoridad ang posibleng mga lugar o rallying point na tinakbuhan ng mga humigit-kumulang 40 NPA na naka-engkwentro nila sa bayan ng Mangatarem kahapon.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Maj. Marco Antonio Magisa, tagapagsalita ng Northern Luzon Command (NOLCOM) ng Armada ng Pilipinas, sila ay nagdagdag pa ng suportang tutugis sa mga naturang rebelde sapagkat sila umano ay nagkalat sa iba’t-ibang direksyon.
Binigyang diin naman ng NOLCOM na kararating lamang ng mga ito sa lalawigan ng Pangasinan, at ang kanilang kampo na napapaulat sa nabanggit na bayan ay isang uri lamang ng kanilang temporary harbor area kung saan nila kailangang mamahinga.
Napag-alaman ding marami sa mga rebeldeng ito ay kaanib sa Kilusang Larangang Guerilla (KLG) o ang Guerilla front Tar-Zam (Tarlac-Zambales) na siyang mga paikot-ikot lamang sa right boundaries ng Pangasinan, Tarlac at Zambales upang makapag-recruit o mangikil ng mga pagkain.