DAGUPAN CITY — “Walang nabago.”
Ito ang naging pahayag ni ACT-Teachers Partylist Representative France Castro sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa pag-lagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na P5.268-trillion National Budget para sa sususnod na taon.
Aniya na ito na ang pinakamaaga na pagpirma ng isang Punong Ehekutibo patungkol sa usapin na walang ginagawang pag-veto. Dagdag pa ni Castro na kasama pa rin sa naturang pondo ang mga ilang usapin na hindi nila pinapaburan gaya na lamang ng NTF-ELCAC na nagkakahalaga ng P10-billion, at ang ma-kontrobersyal na confidential funds na hindi naman tinanggal sa Office of the Vice President.
Bagamat may mga usaping na re-align aniya, kulang pa rin naman ang pondo para sa kalusugan, pabahay, at gayon na rin sa mga State Universities and Colleges.
Maliban dito ay idiniin din ni Castro ang kakulangan ng pondo para sa Kagawaran ng Edukasyon kumpara sa international standard na dapat aniya ay nasa 6% ng total Gross Domestic Product (GDP). Kaya kung tutuusin, ani Castro, ay dapat nasa P1.2-trillion ang budget sa education sapagkat ito ang nakalagay sa international standard.
Kaya naman nakikita nila na ang P5.268 National Budget ay kaagad na magagamit sa pagsismula ng buwan ng Enero sa susunod na taon para sa mga proyektong nakahanay na sa ilalim ng nasabing pondo at gayon na rin para sa iba pang mga ahensya ng gobyerno.
Kaugnay nito ay sinabi naman ni Castro na titignan naman nila kung mayroon at kung anu-ano nga ba ang mga nabago sa bicameral committee patungkol sa naturang usapin, partikular na sa NTF-ELCAC at confidential funds ng kasalukuyang administrasyon.
Gayon na rin aniya ang muling pag-aaral sa mga proyektong nasa ilalim ng National Budget at kung bakit natapyasan ang mga pondo sa agrikultura, agrarian reform, at kalusugan.
Maliban nito ay muli namang ipinahayag ni Castro ang kanilang mariing na pagtutol sa confidential funds dahil ginagamit lamang umano ito para sa redtagging, at paniniktik sa oposisyon at mga aktibista. Babantayan din umano nila ng maiigi ang paggamit sa pondo para sa NTF-ELCAC at iba pang mga proyekto na hindi naman dapat pina-prayoridad ng administrasyon, subalit dapat mas ilaan sa mas mahahalagang ahensya ng gobyerno.