Nahaharap sa kasong Homicide ang isang Nigerian National matapos nitong hampasin ng plastic pipe o tubo sa ulo ang isang tricycle driver sa lungsod ng Dagupan.
Ayon kay PMAJ. Benjamin Raquedan, Deputy Chief of Police, base sa kanilang inisyal na imbestigasyon bago ang insidente, ang biktimang si Dennis Razo, 40 anyos ay namamasada sa Brgy. Lucao ng makita nito ang Nigerian National na nakilalang si Emmanuel Dukwe at inalok niya ito na sumakay ngunit bigla umano siyang tinuro ng suspek sa bastos na paraan.
Hindi na sana umano ito papansinin ng biktima ngunit nakita niyang papalapit ang suspek at akmang susugurin na niya ito kaya naman kumuha ang biktima ng plastic pipe o tubo na nadampot nito upang kaniyang pang depensa.
Sumunod nito ay sinugod na siya ng suspek at silay nag agawan sa tubo at natamaan na ng suspek sa ulo ang biktima hanggang sa ito ay bumagsak at nabagok pa ang kaniyang ulo sa pavement ng kalsada.
Sinubukan pa umanong isugod ang biktima sa pagamutan ngunit idineklara ring DOA.
Matapos naman nito ay naaresto din ng kapulisan ang suspek at pormal ng naisampa ang kasong Homicide sakaniya.
Samantala dagdag pa ni PMAJ. Raquedan, lumalabas din na ang suspek ay dati na ring mayroong record sa kanilang himpilan na iniuugnay sa mga ginagawa nitong panggugulo at pakikipag away sa ilang mga residente sa Brgy Lucao.



