Nananawagan sa publiko ang National Food Authority (NFA) Region 1 na suportahan ang P20 rice program ng pamahalaan upang matulungan ang mga lokal na magsasaka.

Ayon kay Liza R. Balagot, Acting Regional Manager ng NFA Region 1, ang kanilang kakayahang bumili ng palay mula sa mga magsasaka ay nakadepende sa espasyo na nababakante sa kanilang mga bodega.

Kapag may bakante, agad silang naghihikayat ng mga magsasaka na magbenta ng kanilang ani.

--Ads--

Saad nito na kung hindi mailalabas ang mga bigas sa bodega, hindi rin makakabili ang NFA ng palay mula sa mga magsasaka.

Pagbabahagi nito na ang pagsuporta sa P20 rice ay makakatulong sa NFA na makabili ng palay para sa calamities, buffer stacking, at P20 activities.

Sa kasalukuyan, naghahanda pa lamang sila para sa summer crop kaya patuloy ang ginagawa nilang koordinasyon sa ilang mga lokal na pamahalaan.

Aniya na ngayong buwan ng Pebrero, naglunsad na ng kanilang P20 rice program ang Ilocos Sur at La Union.

Kaya naman, hinihikayat ni Balagot ang mga mamamayan na suportahan ang P20 rice.