Itinuturing na karapat-dapat na kampeon ang New York Knicks matapos nitong masungkit ang kanilang kauna-unahang NBA championship sa loob ng 53 taon sa pagtatapos ng NBA Finals kontra San Antonio Spurs.

Ayon kay Edilberto Abalos, National Director ng DepEd Basketball Referees Association, dating SBP Board Director at Palarong Pambansa Tournament Director, malinaw na ipinakita ng Knicks ang kanilang pagiging mas organisado at epektibong koponan sa kabuuan ng serye.

Sinabi ni Abalos na base sa kanilang pagsusuri sa naging takbo ng Finals, nagpakita ang Knicks ng mas mahusay na depensa, disiplina, at execution sa mahahalagang bahagi ng laro na naging susi sa kanilang tagumpay.

--Ads--

Naging tampok sa kampeonato ng New York si Jalen Brunson na nagtala ng 45 puntos sa 94-90 panalo ng Knicks sa Game 5 laban sa San Antonio Spurs upang tapusin ang serye at masungkit ang Finals MVP award.

Sa kabila ng pagkabigo ng Spurs, sinabi ni Abalos na hindi dapat maliitin ang naging kampanya ng koponan dahil malaking karanasan ang kanilang pag-abot sa NBA Finals.

Aniya, magsisilbing mahalagang pundasyon ang naturang karanasan upang lalo pang mapalakas ng Spurs ang kanilang roster at sistema sa mga susunod na taon.

Inaasahan din umano na mas magiging handa at mas matatag ang San Antonio sa kanilang pagbabalik sa susunod na NBA season matapos ang mahigpit na labanang kanilang pinagdaanan sa Finals.