Hindi dapat ikabahala ang nakatakdang pag shutdown ng META sa messenger website sa darating na buwan ng Abril.
Yan ang binigyang diin ni Tzar Umang, isang cybersecurity specialist, kung saan aniya ay bahagi lamang ito ng “streamlining strategy” ng kumpanya upang gawing mas episyente at mas madaling i-manage ang kanilang serbisyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ipinaliwanag ni Umang na ang Messenger.com ay halos kapareho ng Messenger na matatagpuan sa loob ng Facebook website.
Sa kasalukuyan, kapag binuksan ang Messenger.com, dadalhin lamang ang user sa facebook.com/messenger.
Ibig sabihin, tatanggalin ang hiwalay na domain ngunit mananatiling magagamit ang serbisyo.
Bukod dito, mawawala rin ang standalone Messenger application para sa desktop sa halip, gagamitin na lamang ang Messenger sa pamamagitan ng web browser.
Kapag sinubukang buksan ang desktop app matapos ang implementasyon ng pagbabago, magbibigay ito ng abiso na gamitin na lamang ang web version ng Messenger.
Binigyang-diin din ni Umang ang kahalagahan ng end-to-end encryption na kasalukuyang ipinapatupad sa Messenger.
Ayon sa kanya, malaking tulong ang paglalagay ng PIN at pag-activate ng encryption bilang dagdag na layer ng seguridad laban sa hacking at “man-in-the-middle” attacks.
Samantala, hinggil naman sa posibilidad na maging mas mahigpit ang Meta sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Umang, bilang isang pribadong kumpanya, may karapatan ang Meta na magpatupad ng mas pinaigting na polisiya, lalo na kung layunin nitong protektahan ang mga user laban sa online scams, pagpapakalat ng pornographic materials, bentahan ng ilegal na droga, at iba pang mapanirang content.





