Naniniwala ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) na may koneksyon kay Pangulong Rodrigo Duterte si Manila Times chairman emeritus Dante Ang na naglabas ng “Oust Duterte” matrix na nagdadawit sa mga mamamahayag at abogado sa bansa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay NUPL NCR Secretary General Atty. Maria Kristina Conti, sinabi nito na malinaw na may koneksyon na higit pa sa magkaibigan ang Pangulo at si Dante Ang dahil nakikita nilang posibleng ang dalawang ito lamang ang nag-usap hinggil sa matrix.


NUPL NCR Secretary General Atty. Maria Kristina Conti

Ayon kay Conti, maaaring imahinasyon lamang ang nasabing matrix lalo na’t maging si Presidential Spokesperson Salvador Panelo ay hindi alam kung saan ito nanggaling.

--Ads--

Hindi naman nito itinanggi na nakakasama nila ang ilan sa mga nabanggit sa matrix dahil nakakatulong nila ito sa pagpapaliwanag ng mga punto sa publiko. Nilinaw din nito na hindi sila nagbabayad sa media o nanunuhol para sila’y suportahan sapagkat wala naman silang pera.

Nananatili naman aniyang matatag at mas naging matapang ang mga miyembro ng NUPL sa kabila ng kanilang pagkakadawit sa matrix. Mas nais kasi nilang linisin ang kanilang pangalan kaysa magtago.