Pinalutang ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad na itaas sa ₱45 kada kilo ang maximum suggested retail price (MSRP) ng imported na bigas, isang hakbang na ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ay patunay umano ng kabiguan ng kasalukuyang polisiya sa taripa ng bigas.

Ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director ng SINAG, ang patuloy na pagpapatupad ng MSRP ay indikasyon na hindi naging epektibo ang pagbaba ng taripa ng bigas.

Aniya, sa halip na makatulong sa sektor ng agrikultura, ang higit na naapektuhan ay ang mga lokal na magsasaka dahil bumagsak ang presyo ng palay.

--Ads--

Iginiit niya na hindi magiging epektibo ang anumang kontrol sa presyo kung hindi ibabalik ang 35 porsiyentong taripa sa imported na bigas, na aniya’y makatutulong upang maging patas ang presyuhan ng bigas at palay para sa kapakanan ng parehong consumers at producers.

Layunin umano ng panukala ng SINAG na maprotektahan ang mga magsasaka, lalo na’t mataas ang lokal na produksyon ng bigas sa bansa.

Ayon kay Cainglet, sumobra ang inangkat na bigas kaya’t bumaha ang supply sa merkado, dahilan upang bumagsak ang presyo ng palay sa mga lalawigan.

Dagdag pa niya, kahit pa tumaas ang halaga ng dolyar laban sa piso, hindi nito napigilan ang pagdagsa ng imported na bigas dahil puno na ang mga bodega. “

Binanggit din ni Cainglet na hindi lamang bigas at palay ang nakararanas ng problema sa presyo.

Pati aniya ang mga gulay, baboy at manok ay nagsisimula nang makaranas ng kahirapan sa presyuhan, na posibleng magdulot ng mas malawak na problema sa sektor ng agrikultura.

Sa kabila nito, umaasa pa rin ang SINAG na unti-unting mag-i-improve ang sitwasyon sa tulong ng mas balanseng polisiya na magbibigay proteksyon sa lokal na produksyon habang isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga mamimili.