Mga kabombo! Ano ang kaya mong gawin sa ngalan ng social media?

Kaya mo bang ireport ang asawa mo kapag hindi ka pinayagang gumamit nito?

Isang kakaibang reklamo kasi ang idinulog ng 30-anyos na misis sa mga pulis sa Uttar Pradesh, India, matapos siyang pagbawalan ng kanyang mister na mag-Instagram at unahin daw ang mga gawaing bahay.

--Ads--

Ayon sa ulat, nagsimula ang away ng mag-asawang sina Vijendra at Nisha nang bawasan ng mister ang oras sa social media ng misis at bigyang pansin nito ang mga gawaing bahay.

Katwiran ng misis, malaki raw ang naging ­epekto nito dahil hindi na siya nakakapag-upload ng reels sa Instagram, dahilan kaya nabawasan siya ng followers.

Dagdag pa niya dati raw siyang nakakapag-post ng dalawang reels bawat araw, ngunit dahil sa mga gawain na iniuutos ng kanyang mister tulad ng paghuhugas ng pinggan at paglilinis, nawalan na siya ng oras para rito.

Ito aniya ang naakikitang dahilan kung bakit nawalan din siya ng dalawang followers.

Dahil dito, napilitan siyang umalis sa kanilang tahanan at bumalik sa bahay ng kanyang mga magulang.

Gumanti naman si Vijendra sa pamamagitan ng sariling reklamo sa pulis at sinabing puro Instagram lang ang ginagawa ng kanyang misis at hindi nito ginagampanan ang tungkulin sa bahay.

Sa huli, nagsagawa ng counselling ang mga pulis sa mag-asawa. Matapos mapag-­usapan ang problema, ­nagkaayos ang dalawa at muling nagsama.

Ngunit dahil kumalat ang balita tungkol sa reklamo ni Nisha, nawalan naman ng trabaho ang kanyang asawa at ngayo’y naghahanap ng panibagong pagkakakitaan.