DAGUPAN CITY- Nagsagawa ng misa ang St. John the Evangelist Cathedral Church sa Dagupan City kahapon bilang paggunita at pakikiramay sa pagpanaw ni Pope Francis.
Matatandaan na sa edad 88 ay sumalangit ang santo papa noong madaling araw ng Abril 21, 2025 matapos makaranas ng stroke na sinundan ng hindi na pagkapalya ng puso at sirkulasyon ng dugo.
Dinaluhan ito ng maraming Katoliko mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan, kabilang ang mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan, mga guro, at mga pari mula sa iba’t ibang simbahan. Tahimik at mataimtim ang naging daloy ng misa, na nagbigay-daan sa pagdarasal para sa kaluluwa ng yumaong Santo Papa.
Isa sa mga dumalo ay si Rafael Rayos, isang debotong Katoliko, na nakiisa sa misa bilang pagpapakita ng pakikiramay. Malaki ang naging epekto at impluwensya ng Santo Papa sa kanyang buhay, lalo na noong bumisita ito sa Pilipinas. Ramdam niya ang pagdadalamhati hindi lamang sa personal na antas kundi bilang bahagi ng mas malawak na komunidad ng pananampalataya.
Sa kabila ng dami ng mga dumalo, hindi nagkaroon ng matinding problema sa daloy ng trapiko sa paligid ng simbahan. May mga traffic enforcer na nakaantabay upang subaybayan ang sitwasyon sa kalsada at gabayan ang daloy ng mga sasakyan. Sa kabuuan, naging maayos at payapa ang pagsasagawa ng misa.