Pinaalalahan ng kapulisan ang mga tricycle driver hinggil sa umiiral na Anti Bastos Law sa bayan ng Calasiao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt. Ramil castro, PIO ng Calasiao PNP, nagkaroon sila ng dayalogo sa mga ito upang bigyang diin ang mga alintuntuning nakasaad sa Safe Streets and Public Spaces Act o Republic Act No. 11313 kasama na ang mga kaparusahan o penalties na naka atang dito.
Ito ay may kaugnayan sa mangilan-ngilang mga reklamo na natatanggap umano ng hanay ng kapulisan sa nabanggit na mga namamasada.
Ani Castro, sila ay binigyang paalala na kasama sa nasambit na batas ay ang pagmumura, catcalling o kasama na riyan ang pagsisipol partikular na sa kababaihan, maging ang malisyosong pagbati sa mga ito at ang mga ‘di kaaya-ayang mga komento.
Ito ay matatandaang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte at naging ganap na batas noong April 17, 2019.
Sa nasabing batas, may tatlong degree o bigat ng parusa ang kanilang pinagbabatayan alinsunod dito.
Sa first degree ay nakapaloob ang catcalling, wolf-whistling o pagsipol, cursing o pagmumura, intrusive gazing & leering o may pangngingielam na titig at pag-irap, maging ang malisyosong pagbati sa mga ito at ang mga ‘di kaaya-ayang mga komento.
First offense: may kabayarang nasa P1,000, 12 oras na community service sa kanilang barangay at may kasama ring gender sensitivity seminar
Second offense: 6-10 days na pagkakakulong at may penalty na aabot sa P3,000.
Third offense: 11-30 days na pagkakakulong at may penalty namang aabot sa P10,000.
Sa second degree offense ay nakasaad ang pagsasagawa ng offensive body gestures, public masturbation, flashing o pagpapakita ng mga pribadong bahagi ng katawan, at groping o panghihipo.
First offense: aabot sa P10,000 ang kabayaran, 12 oras na community service sa kanilang barangay at may kasama ring gender sensitivity seminar
Second offense: 11-30 days na pagkakakulong at may penalty na aabot sa P15,000.
Third offense: 1-6 months na pagkakakulong at may penalty namang aabot sa P20,000.
At ang pinakamabigat ay third degree offense kung saan nakasaad sa Anti-Bastos Law ang stalking at sexual advancement gestures & statements with brushing & pinching o pagkiskis ng katawan sa ibang tao o ang offended person.
First offense: 11-30 days na pagkakakulong at may penalty na aabot sa P30,000 at may kasama pang gender sensitivity seminar.
Second offense: 1-6 months na pagkakakulong at may penalty na aabot sa P50,000.
Third offense: 4-6 months na pagkakakulong at may penalty namang aabot sa P100,000.
Dagdag ni Castro, ito ay bilang patunay na hindi biro ang masangkot at mapatunayang nilabag ang Anti-Bastos Law ng sinuman.