DAGUPAN CITY- Inaasahan na sa pagdinig ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ay hindi mawawala ang mga taga-suporta nitong magtitipon sa harap ng Detention Facility, sa The Hague, Netherlands.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Hannah Galvez, ang Bombo International News Correspondent sa Japan, sa kaniyang pagbisita sa The Netherlands ay nagkaroon siya ng pagkakataon makausap ang mga Filipino Community at nakita niya ang pagmamahal ng mga ito sa dating pangulo.

Aniya, kapansin-pansin ang sentimyento ng mga ito na hinahangad ang kalayaan ni dating pangulong Duterte.

--Ads--

Kaniya rin napansin na hindi lamang mga Pilipino sa Netherlands ang naroon at dadalo sa nasabing gaganaping rally.

Mayroon pa aniyang mula sa karatig at iba’t ibang bansa upang ipakita ang kanilang suporta sa dating pangulo.

Napansin din ni Gavlez ang mga Dutch na kasama ng naturang komunidad na dala-dala ang standee ni Duterte.

Samantala, natutunugan naman nilang hindi rin ito papalampasin ng mga Anti-DDS group upang ipakita naman ang kanilang suporta sa paglilitis.

Aniya, aasahan na makikita rin ang mga ito sa The Hague, partikular na rin sa harap ng Detention Facility.

Gayunpaman, naniniwala naman si Galvez na magiging mapayapa ang pagtitipon kahit pa magsama ang dalawang grupo.