Dagupan City – Kinumpirma ni Edson Byron K. Sy, Assistant Secretary ng Department of Education, na kabilang ang Region I sa pagpapatupad ng nationwide classroom building program ng administrasyon ni Ferdinand R. Marcos Jr..
Ayon kay Sy, nakabatay ang pagtatayo ng mga bagong silid-aralan sa validated list ng ahensya na kasalukuyang sinusuri at kino-konsolida kasama ang mga panukala mula sa lokal na pamahalaan.
Tinitiyak ng DepEd na dadaan sa masusing beripikasyon ang mga lugar na paglalagyan ng mga gusali upang matugunan ang aktuwal na kakulangan sa classrooms sa iba’t ibang paaralan.
Ipinaliwanag din niya na isasaalang-alang ang prinsipyo ng pagiging patas o equitable distribution sa pagpili ng mga benepisyaryong lugar upang masiguro na mabibigyan ng sapat na pasilidad ang mga paaralang may pinakamalaking pangangailangan.
Sa sandaling makumpirma ang pinal na listahan ng mga paaralang sakop ng programa sa Region I, agad na ihahain ng kagawaran ang kaukulang kahilingan sa badyet para sa implementasyon ng proyekto. Layunin ng programa na mabawasan ang classroom shortage at mapabuti ang kalidad ng pagkatuto ng mga mag-aaral sa rehiyon.










