Business as usual pa rin sa Taiwan sa kabila ng 6.7 magnitude na lindol na naganap kaninang madaling araw.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jason Baculinao, Bombo International News Correspondent o BINC sa bansang Taiwan sinabi nito na hindi nag isyu ng kanselasyon sa pasok sa trabaho at klase matapos ang pagyanig sa kabila rin ng mga tuloy tuloy na aftershock .
Dagdag pa nito na base sa abiso ng kanilang pamahalaan maaring umabot ng hanggang bukas ang pagkakatala ng maliliit na pagyanig.
Inihayag nito na sanay na rin ang mga residente sa lindol dahil halos buwan buwan ay nagkakaroon ng pagyanig sa kanilang bansa.
Sa katunayan noong bago pa lamang ito sa Taiwan ay nagpapanik siya kapag nagkakaranas ng lindol noon pero nakita na tila hindi na apektado ang mga lokal na residente kung saan noong nagtagal ay nasanay na rin siya.