Isinusulong ang programang P20 Rice Project at Kadiwa ng Pangulo Caravan sa Mapandan Public Plaza sa darating na Oktubre 15–16, 2025, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali, bilang bahagi ng Bagong Pilipinas na inisyatiba ng pambansang pamahalaan.

Layunin ng programang ito na mapagaan ang gastusin ng mga pamilyang Pilipino sa harap ng patuloy na hamon ng mataas na presyo ng bilihin, sa pamamagitan ng pagbibigay ng abot-kayang bigas at mga produktong agrikultural.

Ang P20 Rice Project ay nakatuon sa pagbebenta ng bigas sa halagang P20 kada kilo, na malaking tulong sa mga pamilyang kabilang sa tinatawag na vulnerable sectors.

--Ads--

Kabilang dito ang mga Persons with Disability (PWD), solo parents, senior citizens, at mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Upang matiyak ang maayos na distribusyon at makamit ang layunin ng programa, kinakailangan lamang ipakita ng mga benepisyaryo ang kanilang kaukulang ID bilang patunay ng kanilang kwalipikasyon.

Samantala, kasabay ng proyektong ito, isasagawa rin ang Kadiwa ng Pangulo Caravan, isang inisyatiba ng Department of Agriculture (DA) na layuning mas mapalapit ang mga magsasaka sa merkado at direktang makapagbenta sa mga konsyumer.

Sa Kadiwa, makakabili ang publiko ng sariwang gulay, prutas, at iba pang produktong agrikultural tulad ng karneng manok, isda, itlog, at lokal na mga produkto na lahat ay presyong direkta mula sa mga magsasaka, kaya mas mura kumpara sa mga karaniwang pamilihan.

Ang mga magbebenta sa Kadiwa Caravan ay mula sa mga lokal na asosasyon ng magsasaka sa Mapandan, kaya’t hindi lamang ang mamimili ang makikinabang sa aktibidad na ito, kundi pati na rin ang mga magsasakang Pilipino na makakatanggap ng mas patas na kita para sa kanilang mga ani. Isa rin itong hakbang upang mapalakas ang lokal na agrikultura at mapanatili ang seguridad sa pagkain sa mga komunidad.

Inaanyayahan ang lahat ng kwalipikadong residente ng Mapandan at kalapit na barangay na makibahagi at samantalahin ang mga benepisyong handog ng P20 Rice Project at Kadiwa ng Pangulo Caravan.

Inaasahang magiging matagumpay ang aktibidad sa tulong ng kooperasyon ng lokal na pamahalaan, mga asosasyon ng magsasaka, at mga mamamayan ng Mapandan.