Ang pagkondena ng Chinese Embassy sa ilang opisyal ng Pilipinas kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea ay maituturing umanong bahagi ng estratehiya ng China upang pagwatak-watakin ang lipunang Pilipino.

Ito ang pahayag ni Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kaugnay ng sunod-sunod na online posts at komento mula mismo sa opisyal na internet account ng Chinese Embassy.

Ayon sa ilang opisyal ng bansa, layunin umano ng mga naturang pahayag na magpalaganap ng maling impormasyon mula sa pamahalaan ng China.

--Ads--

Samantala, binigyang-diin ni Yusingco ang kahalagahan ng pakikinig ng taumbayan sa mga sundalo ng bansa pagdating sa usapin ng estratehiyang militar at diplomasya.

Ayon pa kay Yusingco, may dahilan ang hindi pagganti ng Pilipinas ng water cannon laban sa mga Tsino sa mga nagdaang insidente sa West Philippine Sea.

Naniniwala rin siya na karamihan sa mga Pilipino ay nais na maprotektahan ang ating teritoryo, kaya’t nararapat lamang na manatiling matatag at nagkakaisa ang bansa sa paninindigang ipagtanggol ang soberanya at teritoryo ng Pilipinas.

Matatandaan na una nang binatiktos ni Senator Risa Honetiveros ang pagkondena ng Chinese Embassy sa ilang mga opisyal ng Pilipinas kaugnay ng kasalukuyang isyu sa West Philippine Sea.

Sa kaniyang privilege speech, iginiit ni Hontiveros na walang karapatan ang sinumang kinatawan ng dayuhang bansa na maghimasok at manakot ng mga opisyal ng Pilipinas sa kanilang mga pahayag, lalo na kung may kinalaman sa soberanya ay pambansang interes.