DAGUPAN CITY- Nananatiling tuloy-tuloy ang biyahe ng mga bus sa mga terminal sa Dagupan City sa gitna ng pagdagsa ng mga biyahero ngayong Semana Santa, kung saan pinananatili ang maayos na daloy ng transportasyon papasok at palabas ng lalawigan.

Ayon sa mga operator, umaabot sa bawat sampung minuto ang pagitan ng byahe ng ilang bus, habang ang iba naman ay nasa 20 hanggang 30 minuto depende sa ruta, maging ito man ay intra-province o inter-province.

Sa rutang patungong Tuguegarao City, umaabot naman sa isang oras ang pagitan ng biyahe.

--Ads--

Kapansin-pansin din ang pagdami ng mga pasaherong patungo sa Metro Manila, kasabay ng pag-uwi ng ilan at pagbabalik ng iba sa probinsya na galing sa kanilang iba’t ibang lugar ngayong Semana Santa.

Sa kabila ng dagsa ng pasahero, wala pang naitatalang pagtaas sa pamasahe sa mga bus terminal dahil wala pang opisyal na anunsyo ukol dito.

Patuloy na sinusunod ng mga operator ang umiiral na fare matrix upang maiwasan ang anumang aberya at reklamo mula sa publiko.

Kabilang sa mga biyaherong dumagsa sa terminal si Karl Vince Fabia, isang pasahero na unang beses bumiyahe patungong Baguio City upang magbakasyon.

Inilarawan niya na maayos at komportable ang kanilang paghihintay sa terminal dahil sa mga pasilidad tulad ng libreng charging station, sapat na upuan, at bentilasyon na nakatutulong sa mga pasahero habang naghihintay ng kanilang masasakyan.

Samantala, patuloy ding nakaantabay ang mga tricycle driver sa paligid ng terminal upang samantalahin ang pagdami ng pasahero.

Ayon kay John Gabor ng Tricycle Group Philippines, bagamat may paggalaw sa bilang ng pasahero, hindi pa ito ganoon karami kumpara sa inaasahan.

Dagdag pa nito, ramdam pa rin ng kanilang sektor ang epekto ng mataas na presyo ng gasolina na nakaaapekto sa kanilang kinikita sa araw-araw.

Nananatiling maayos ang operasyon sa mga terminal sa Dagupan City habang patuloy na pinaghahandaan ang mas matinding pagdagsa ng mga biyahero sa mga susunod na araw ng Semana Santa.

Inaasahan ding magpapatuloy ang pagbabantay ng mga transport group at lokal na awtoridad upang matiyak ang ligtas at maayos na paglalakbay ng publiko.