Malala na ang situwasyon sa bansang Myanmar kung pag-uusapan ang COVID-19 Pandemic.
Ito ang nabatid kay Bombo International Correpondent Atty. Jobert Pahilga, isang human rights and public interest lawyer na kasalukuyan ngayong nasa Myanmar sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan.
Aniya, araw-araw may pitong libong nagpopositibo sa COVID-19 subalit wala pa dito ang ilang hindi na nasusuri pa.
Dagdag pa ni Pahilga, araw-araw ay mayroong naitatalang 500 na namamatay bukod pa sa namamatay ng hindi na nadadala sa mga hospital.
Inihayag din nito na hindi na tumatanggap pa ang kanilang mga pagamutan ng mga pasyente na nadapuan ng nabanggit na virus dahil puno na ang mga pagamutan kulang narin ang mga ambulansya gayun din ng suplay ng oxygen tanks.
Bukod dito ay punuan narin maging ang mga crematorium sa bansa.
Sa ngayon aniya ang mga nagpopositibo sa naturang sakit na hindi na madala pa sa pagamutan ay naglalagay nalamang ng mga yellow ribbon sa harap ng kanilang tahanan bilang babala at upang makahingi narin ng ayuda.