DAGUPAN CITY- Dumami pa ang mga nakiisa sa Earth Hour sa Japan ngayon taon, 2025, kung saan isang oras din silang nagpatay ng kanilang kuryente sa sarili nilang kabahayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa, inisyatiba ng World Wide Fund for Nature (WWF) ang isinagawang Earth Hour sa kanilang bansa kung saan 8:30 PM – 9:30 PM (oras sa Japan) ito naganap.

Aniya, sama-sama ang mga establishimento na makiisa sa aktibidad upang tugunan ang layunin na magpataas ng kamalayan sa pagpapahalaga ng kalikasan.

--Ads--

Ginamit naman ang pagkakataon na ito upang magkaroon ng pagtatalakay sa pagtitipid ng konsumo sa elektrisidad at pangangalaga sa kalikasan.

Hindi na bago ang ganitong kaganapan sa Japan ngunit sa taon na ito ay mas marami ang nakilahok at mas lumaki na rin ang mga aktibidad, partikular na sa Hokkaido.

Aniya, isa sa magandang kaugalian ng mga Japanese ang magkaroon ng pagmamahal sa kalikasan kadahilanan kung bakit mahalaga ang disiplina sa pagbasura ng mga kalat.

Samantala, ibinahagi rin ni Galvez na mas kapansin-pansin na rin ang climate change sa Japan.

Maliban sa tumitinding pagbabago ng panahon, nagkakaroon na rin ito ng epekto sa mga produktong agrikultura.