DAGUPAN CITY – Hinahanap ngayon ng Provincial Health Office (PHO) ang mga nakasalamuha sa reunion na dinaluhan sa probinsya ng Pangasinan ng isang Australian na nagpositibo sa Coronavirus disease-2019 (COVID-19).
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, matapos lamang na isapubliko ng Department of Health (DOH) ang ilang detalye hinggil sa mga nagpositibong indibiduwal na may history ng pagbisita sa Pilipinas, inihayag ni Dra. Anna Marie De Guzman, Provincial Health Office Chief, na nasa proseso sila ngayon ng tracing o paghahanap sa mga nakasalamuha ng nagpositibo ng COVID 19 subalit limitado umano ang impormasyon na naibigay ng DOH matapos silang makipag-ugnayan sa departamento kasunod ng pagkakabanggit ng ahensya na nakadaan sa lalawigan ang biktima.
Sa ngayon, hindi aniya madali ang pagkuha ng impormasyon hinggil sa biktima lalo at nakabalik na ito ng Australia kayat ang DOH na umano ang nakikipag-ugnayan sa Australian government upang makakuha ng karagdagang impormasyon.
Sa kasalukuyan, inihayag ni Dra. De Guzman na nakikipag-ugnayan na din ang PHO sa lahat ng nagsagawa ng reunion nitong nakaraang buwan sa probinsya ng Pangasinan.