DAGUPAN CITY- Pinaghahandaan na ng mga magsasaka sa bayan ng San Fabian ang kanilang mga bukirin para sa main cropping season ngayong nakakaranas na ang lalawigan ng bahagyang pag-ulan.

‎Bilang tugon sa nalalapit na panahon ng taniman, sinimulan na rin ng lokal na pamahalaan ang pamamahagi ng hybrid rice seeds subsidy.

Layunin nito na matulungan ang mga magsasaka na makapagtanim sa tamang panahon at mapataas ang kanilang ani.

Ayon sa Municipal Agriculture Officer ng San Fabian na si Johnny Jugo Paraan, kinakailangang rehistrado muna ang mga magsasaka bago sila mabigyan ng ayuda.

--Ads--

Isa itong patakaran upang masiguro na ang mga lehitimong magsasaka lamang ang makatatanggap ng suporta mula sa pamahalaan.

Tinatayang nasa mahigit 3,000 sako ng hybrid rice seeds ang kasalukuyang nakaimbak sakanilang tanggapan.

Sa kabila ng dami ng pumipilang benepisyaryo, inihayag ng tanggapan na wala pa sa kalahati ng mga rehistradong magsasaka ang nakakukuha ng kanilang alokasyon.

Inaasahang mas dadami pa ang kukuha ng subsidiya habang lumalapit ang peak season ng pagtatanim ngayong tag-ulan.

Patuloy naman ang paalala ng pamahalaan sa mga magsasaka na makipag-ugnayan sa kanilang mga barangay agricultural technician upang maisaayos ang kanilang aplikasyon at makuha agad ang binhi.