Dagupan City – Nagtipon ang nasa 300 mag-aaral mula Grade 11 ng Calasiao Comprehensive National High School para sa pagdiriwang ng Drug Abuse Prevention and Control Week na may temang “The Youth’s Choice: A Drug-Free Life.”
Tiniyak ni Principal IV Carina Untalasco na maraming aktibidad ang inilunsad upang magamit ng mga mag-aaral ang kanilang oras sa mga kapaki-pakinabang na gawain.
Nakikipagpartner ang paaralan sa iba’t ibang ahensya, kabilang ang Philippine National Police (PNP) at ngayon ay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), upang mas mapalakas ang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.
Binigyang-diin ni Untalasco ang kahalagahan ng disiplina at tamang pagdedesisyon ng kabataan, habang hinihikayat silang makilahok sa sports at iba’t ibang organisasyon ayon sa kanilang interes at talento.
Tuwing Nobyembre isinasagawa ang selebrasyon sa antas ng paaralan, barangay, komunidad, maging sa mga pribado at pampublikong institusyon, katuwang ang mga lokal na pamahalaan sa buong bansa.
Inihayag naman ni Regional Director Atty. Benjamin Gaspi ng PDEA Region I na mahalaga ang sapat na kaalaman at edukasyon lalo na para sa mga kabataan upang makaiwas sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Patuloy umano ang pagkalat ng kanilang personnel sa Ilocos Sur, Ilocos Norte, La Union at Pangasinan upang maghatid ng mga lectures tungkol sa masamang epekto ng droga.
Muling nagpaalala ang PDEA sa mga estudyante na umiwas sa droga, maging matalino sa pagpili ng kaibigan, at huwag hayaang masira ang kanilang kalusugan, kinabukasan, ugnayan sa pamilya, at reputasyon sa komunidad.










