Pinag-iisipan pa ng mga katutubong Lumad na biktima ng human trafficking at narescue kamakailan sa bayan ng Sual kung magsasampa sila ng kaso dito sa lalawigan ng Pangasinan laban sa kanilang employer at recruiter.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Claire Banzuela, Social Welfare Officer IV ng DSWD Region1, sinabi nito na plano munang umuwi ng mga Lumad sa Bukidnon at doon na lamang hihingi ng tulong kung paano masasampahan ng kaso ang kanilang mga employer at recruiter.
Aniya, naganap ang operasyon ng pagrescue matapos silang makatanggap ng request mula sa mga Lumad na nais na makaalis sa lugar kung saan sila pilit na pinagtatrabaho sa isang fishpen nang walang sweldo.
Ayon pa kay Banzuela, mayroong mga Lumad na dalawang buwan nang nanatili sa bayan ng Sual habang ang ibang narescue at nakatakas ay kararating lamang sa lugar.
Dagdag pa nito, 17 lamang ang kanilang nailigtas habang ang 30 lumad na nakatakas ay direktang pumunta sa opisina ng National Commission on Indigenous Peoples para humingi ng tulong.
Mababatid na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng CHR o Commission on Human Rights ang hindi makataong pagtrato sa mga katutubong Lumad. with reports from Bombo Badz Agtalao