DAGUPAN CITY- Nananawagan si Johnny Jugo Paraan, Municipal Agriculturist sa bayan ng San Fabian, sa agarang atensyon ng gobyerno sa pagkakaroon ng karamptang tulong para sa mga naluluging magsasaka sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kaniya, dahil sa nararanasang pag-ulan ay napipilitan nang ibenta ng mga magsasaka ang kanilang palay kahit pa nasasamantala na sila sa mababang presyo.
Giit niya na dapat maging alerto ang bawat lokal na pamahalaan sa pagbibigay tulong sa mga magsasaka sa kanilang nasasakupan.
Aniya, nalulugi na ang mga magsasaka dahil maliban sa mababang halaga ng palay, malaki ang kanilang ginagastos, kabilang na ang ginagamit na pataba.
Sinisisi naman niya sa kasalukuyang nararanasan ng mga magsasaka ang hindi pagbasura sa Rice Tarrification Law at hindi pagbibigay prayoridad sa kanilang industriya.
Mas makakatulong pa aniya para sa kanila kung magiging balanse ang gobyerno sa pagtatakda ng farm inputs at dami ng pag-import ng bigas.
Aminado naman si Paraan na gustuhin man ng mga magsasaka sa kanilang bayan subalit, tila gusto na rin tumigil dahil nalulugi lamang sila.
Gayunpaman, tinitiis na lamang nila ito dahil wala rin silang alternatibong trabaho na maaaring pagkakitaan.