DAGUPAN CITY- Nagsimula na ang campaign period ng mga kumakandidatong senador at partylist para sa National, Local, and BARMM Election 2025.

Ayon kay Prof. Danilo Arao, convenor ng Kontral Daya, sa kaniyang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, hindi na ramdam ang unang araw ng pangangampanya ng mga kandidato, lalo na sa mga senatorial bets at partylist, dahil sa matagal nang pag-iral ng premature campaign at hindi ito maaksyunan ng Commission on Election (COMELEC).

Kaya aniya, nararapat lamang na mapagtuonan ng komisyon ngayon ang pagpuksa sa maling paglalagay ng campaign paraphernalia at vote buying and selling dahil may matibay na silang kapangyarihan, bilang simula na ng pangangampanya.

--Ads--

Nararapat lamang na managot ang mga ito upang magkaroon ng ‘domino effect’ at maging epektibo ang pagpuksa sa mga ilegalidad na ito.

Bilang paglaban sa vote buying at selling, saklaw na rin ang electronic transaction upang matukoy ang ‘money trail’ para mapanagot ang nasa likod ng ilegalidad na ito.

Bagaman, hindi naman mababalewala ang epekto sa privacy ng isang tao, makakatulong kung makikipag-tulungan ang mga kaugnay na ahensiya.

Samantala, maaaring hindi naman maging epektibo ang ‘warrantless arrest’ laban sa mga aktong nagsasagawa ng vote buying o selling.

Maaaring maging balakid kase ang estado ng buhay ng magsasagawa nito kung ang huhulihin nito ay isang mayaman na tao at may kapangyarihan.

Sa kabilang dako, marami man ang mga bagong partylist groups sa midterms election, subalit hindi pa rin nagbabago ang kanilang datos na marami pa rin sa mga ito ang may bahid ng political dynasty.

Kaya ilulunsad na ng Kontra Daya ang kanilang ‘Kontra Daya Guide’ upang makapagbigay ng impormasyon sa mga botante sa kanilang pagpili ng partlylist.

Nilinaw naman ni Arao na ang paggawa nila nito ay walang pang-eendorso ng kahit anong partylist na tumatakbo sa nalalapit na halalan.

Naniniwala naman ang Kontra Daya na maaabot ng Comelec ang bilang ng mga iniimprintang balota para sa halalan kahit pa man na may mga umaatras na kandidato.

Aniya, nagsanib pwersa na rin ang Miru System at ang Comelec upang maabot ang kinakailangan.

Samantala, payo naman ni Arao na tama lang mabigyan ng kahalagahan ang mga lumalabas na reliable surveys subalit, iwasan ang ‘bandwagon mentality’ sa mga nauunang kandidato.

Magiging basehan lamang kase ito upang makita ang isang lugar na dapat pagtuonan sa pagpapalakas ng nahuhuling kandidato.