BOMBO DAGUPAN – “Kapag napatunayan na hindi siya Pilipino ay maaari siyang idemanda at matanggal sa pwesto.”
Yan ang ibinahagi ni Atty. Joey Tamayo, Resource Person Duralex Sedlex kaugnay sa mainit parin na usapin patungkol sa citizenship ni Bamban Mayor Alice Guo.
Aniya ay kahit ipinanganak ka sa Pilipinas kung napatunayang parehas na banyaga ang iyong magulang ay hinding hindi ka magiging Pilipino maliban na lamang kung may maipapakita siyang dokumento o mga papeles na magpapatunay na matapos niyang tumuntong sa edad na 18 ay nanumpa siya sa Bureau of Immigration na pinili niyang maging Filipino citizen.
Kaugnay nito ang isang banyaga o alien na tinatawag ay maaari namang maging Filipino citizen sa pamamagitan ng proseso ng naturalization, kung saan dapat ay maganda ang iyong record, may sapat na pinagkakakitaan, at higit sa lahat ay naimbide na sa iyong puso ang pagiging Pilipino.
Para naman sa kwalipikasyon ay dapat na naninirahan na sa bansa sa loob ng limang taon ngunit mas mabilis ang proseso ng naturalization kung ang asawa ng banyaga o kanyang pamilya ay Pilipino.
Samantala, para naman sa mga ipinanganak sa ibang bansa na ang magulang ay parehas na Pilipino maaari naman itong kumuha ng dual citizenship sa pamamagitan ng panunumpa sa hukuman.
Pagbabahagi din ni Atty. Tamayo na malaking kasayangan para sa mga tumakbo sa pwesto kung napatunayang hindi sila Pilipino dahil gumastos na sila sa eleksyon at isang kahihiyan naman ito para sa mga nagloklok sa kanila sa pwesto. Kaya’t napakahalaga parin aniya na dapat ang mga kakandidato ay kwalipikado at totoong Pilipino.