Mga kabombo! May mga kakilala ka bang gatecrasher sa mga party o event?

Naku! Baka gatecrasher no more, dahil pwede na ito sa bansang Europe?

Kung saan ay isang bagong trend ang nauso roon!

--Ads--

Paano ba naman kasi, ibinebenta na sa mga kasalan ang ticket sa mga estranghero para dumalo sa kanilang wedding!

Ang ideya ay nagmula sa isang French startup company na “Invitin”, na itinatag ni Katia Lekarski.

Ayon sa mga couple na gumagawa nito, naisip nila ang konsepto matapos tanungin ng kanyang anak kung bakit hindi sila naiimbitahan sa mga kasalan.

Mula roon, nabuo ang isang platform kung saan ang mga ikakasal ay maaaring magbenta ng ticket sa mga taong gustong maranasan ang isang kasal, kahit na hindi nila kilala ang mga ikakasal.

Para sa mga “bisita,” ito ay isang pagkakataon na maranasan ang isang kasal at ang mga tra­disyon nito.

Habang para naman sa mga ikakasal, ito ay hindi lamang para makabawi sa kanilang wedding expenses.

Paliwanag kasi ng mag-asawang Jennifer at Paulo, na nag-iimbita ng ilang estranghero sa kanilang kasal, ito ay isang paraan din upang maging mas masaya at kakaiba ang kanilang selebrasyon.

Ang mga ticket sa Invitin ay nagkakahalaga mula €150 o katumbas ng P9,450 hanggang €400 o katumbas ng P25,200 per guest.

Mayroon ding isang katulad na serbisyo sa Italy, ang Wedding Privè, na naniningil ng hanggang €5,000 para sa isang “luxury wedding experience” na target ang mga turista.

Sa kabila nito, mayroong mahigpit na mga patakaran para sa mga bisita.

Kailangan nilang magsuot ng appropriate attire, dumating sa tamang oras, at uminom ng alak nang may moderasyon.

Hindi rin sila maaaring mag-share ng mga litrato mula sa event nang walang pahintulot. Ang mga ikakasal naman ay may karapatang suriin at piliin kung sinong mga estranghero ang kanilang tatanggapin sa araw ng kasal.