Handang-handa na ang mga guro dito sa lalawigan ng Pangasinan na magsisilbi bilang miyembro ng Electoral Board sa gaganaping halalan sa Mayo 13.

Ayon kay Carmina Gutierrez, Incharge ng Election Taskforce sa SDO 1 Pangasinan, nagsimula na ang pagsasanay ng kanilang mga Board of Election Inspectors o BEI’s kung saan maging ang mga Board of Electoral Canvassers ay nagkaroon ng refresher course.

Sa katunayan aniya, tuwing sumasapit ang araw ng eleksyon, malaki ang gampanin ng Department of Education o DepEd dahil sila ang tumatayo bilang mga players tuwing actual conduct of elections.

--Ads--

Ayon kay Gutierrez, nagtalaga sila ng tatlong BEI’s sa bawat presinto kung saan umaabot sa humigit kumulang 1,330 na mga guro kasama na ang mga non teaching personnel ang magsisilbing katuwang nila sa nalalapit na eleksyon.

Samantala, pinaalalahanan naman nito ang lahat ng mga teaching and non teaching personnel na huwag kalimutan ang kanilang DepEd Order Number 48 Series of 2018 na may kaugnayan sa Prohibition on Electioneering and Partisan Political Party, kung saan nakasaad dito na hindi maaaring mangialam ang kanilang hanay sa pangangampanya ng isang kandidato o partido.