Dagupan City – ‎Patuloy ang distribusyon ng family food packs sa mga residente ng Dagupan na lubhang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Nando. Pinangungunahan ito ng Department of Social Welfare and Development sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at iba’t ibang ahensiya.

‎Sa koordinadong operasyon, katuwang ng DSWD ang City Disaster Risk Reduction and Management Office, City Social Welfare and Development, CMO staff, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, at mga lokal na opisyal gaya nina Konsehal Karlos Reyna, Dra. Jaja Cayabyab, at Bradley Benavides.

‎Layunin ng relief effort na matiyak na may agarang pagkain ang bawat pamilyang naapektuhan habang patuloy pa ang assessment sa lawak ng pinsalang iniwan ng bagyo. Target ng pamamahagi ang mga barangay na malubha ang tama ng pagbaha at pagkawala ng kuryente.

‎Sa kasalukuyan, tuluy-tuloy ang repacking at delivery ng food packs sa mga evacuation centers at direktang distribusyon sa mga apektadong komunidad. Nagsasagawa rin ng monitoring ang mga ahensiya upang matiyak na maayos ang daloy ng relief goods at naiparating ito sa mga tunay na nangangailangan.

‎Habang nagpapatuloy ang relief operations, inihahanda na rin ang posibleng karagdagang suporta mula sa national government sakaling tumagal ang epekto ng kalamidad.

‎Sa kabuuan, nakatuon ang mga kinauukulan sa mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga nasalanta at pagpapanatili ng kaayusan sa mga apektadong lugar.