Dinagsa ng mga deboto ang Minor Basilica of Our Lady of Manaoag at iba pang simbahan dito sa lalawigan ng Pangasinan ngayong Linggo ng Palaspas o Palm Sunday.
Sa araw na ito, ginugunita ang matagumpay na pagpasok ng Panginoong Hesus sa Jerusalem bago ang kanyang pagpapakasakit sa kalbaryo.
Ipinagdiriwang ng Simbahang Katoliko ang Linggo ng Palaspas, na hudyat ng pagpasok ng Semana Santa.
Kahapon pa ay marami ng nagtungo sa simbahan upang maiwasan na rin ang siksikan na inaasahan ngayong araw.
Maaga pa lang puno na sa tao ang nasabing simbahan, at may kanya kanyang dalang palaspas upang mabendisyunan ng pari pagkatapos ng misa.
Maraming deboto galing pa sa ibat ibang probinsya ang nagtutungo sa lugar dahil pinaniniwalaan na marami itong himala lalo na sa mga may sakit.
Inaasahan na mas marami pa ang magtutungo sa nasabing simbahan sa buong linggo ng pag obserba ng mahal na araw.
Una ng tiniyak ng Pangasinan Police provincial Office na may mga nakabantay na pulisya at force multipliers sa paligid ng simbahan para sa siguridad ng publiko.
Dahil inaasahan din ang pagdagsa ng mga bisita at turista sa mga tourist spot sa lalawigan lalung lalo na sa mga kilalang beaches sa probinsya kabilang ang Tondaligan beach, San Fabian at Lingayen na kalapit lamang ng bayan ng Manaoag.
Samantala, full force naman ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ngayong semana santa.
Ayon kay Vincent Chiu, ang Operations Supervisor ng nasabing tanggapan, sa mga susunod na araw ay magtataas na sila ng Blue Alert Status upang mas patibayin pa ang rescue team ng bawat bayan.