Nagpasalamat sa Pamahalaan partikular na kay Presidente Rodrigo Duterte si Romulo Manzano, Presidente ng Barlo Farmers Association sampo ng kanyang mga kasamahan na sumukong dating miyembro ng rebeldeng grupo na Communist Party Of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Ito ay matapos isagawa ang ‘Oplan Panagsubli’ o Ceremonial turn-over ng mga dating rebelde at mga rebel supporters na magbabalik loob sa Gobierno na isinagawa sa Mabini Town Plaza.
Ayon kay Manzano, bagamat noon pang panahong ni dating Pangulong Fidel Ramos sila sumuko ay ngayon lamang sila na-validate at hindi naman nito itinanggi na mayroon pa rin silang mga kasamahan na naiwan sa bundok at hindi pa rin bumababa dahil sa kawalan nila ng tiwala sa Gobyerno. Ngayon lamang umano nila naramdaman ang implementasyon ng mga pangako sakanila kaya naniniwala silang magiging mas maayos na ang kanilang pamumuhay. Hiling nila ang tulong mula sa Provincial government lalo na sa sektor ng kanilang hanapbuhay.
Kuwento pa nito, mga binata pa umano sila noong umakyat sila ng bundok subalit ngayon ay may kanya-kanya na silang asawa at mga anak, matapos silang mapagkamalan noon na NPA dahilan upang sumama narin aniya sila hanggang sa nagdesisyon aniya silang magbalik loob dahil narin sa nakita umano nilang sensiridad ng Administrasyong Duterte.
Nangako naman ang Provincial Government sa pangunguna ni Governor Amado Espino III na ibibigay nila ang tulong para sa mga ito. Maging ang iba pang ahensya ng Gobierno katulad nalamang Department of labor and Employment (DOLE) at Philhealth ay nagtungo din sa lugar at nagbigay ng tulong sa mga dating miyembro ng makakaliwang grupo.
Ang ‘Oplan Panagsubli’ ay bahagi ng EO 70 na inilabas ng Pangulo na tinatawag na whole of nation approach kung saan nagtutulong-tulong at nagsasama sama ang iba’t-ibang sangay ng Pamahalaan mula sa National pababa sa mga Barangay upang mawaksi ang terorismo. (with reports from Bombo Cherryl Ann Cabrera)