DAGUPAN CITY- Pinapaalalahan ni Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng Department of Health Region 1, ang mga publiko sa pag-iwas ng mga masyadong matatamis, maaalat at masyadong mamantikang pagkain ngayon holiday season.

Ayon sa kaniya, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ang ganitong klase ng pagkain ang nakakadagdag sa mga non-communicable diseases katulad ng diabetese at hypertension.

Aniya, dapat maging balanse ang ihahain na mga pagkain at maglagay ng mga masusustansyang pagkain.

--Ads--

Kung kakain naman ng hindi masustansya ay tiyakin na lamang na hindi mapapasobra ang pagkain nito.

Sa kabilang dako, nagpaalala rin si Dr. Bobis sa paggamit ng alternatibong pampaingay kaysa magpaputok upang makaiwas sa disgrasya.

Gayunpaman, kung maputukan naman, inirerekomenda niya na mahugasan muna ang parteng naputukan at pagkatapos ay takpan ng malinis na tela o gauze at tsaka dalhin na sa malapit na pagamutan.

Aniya, mahalagang madala ito agad sa ospital dahil sa maidudulot nitong komplikasyon sa biktima.

Kung makalunok naman ng pulbura ng pautok, importanteng hindi pasukahin ang pasyente dahil maaari itong magdulot ng allergy sa lalamunan.

Inirerekomenda naman niya na bigyan ito ng egg white at tsaka agad dalhin sa malapit na pagamutan.