Umabot na sa hindi bababa sa 148 katao ang nasawi at ikinasugat ng mahigit 100 pa ang pagbaha at landslide sa Nepal, ang ayon sa ulat ng pulisya.

Mahigit sa 50 katao ang nawawala pa rin noong Linggo matapos ang dalawang araw na walang tigil na ulan, na nagpalubog sa lambak sa paligid ng Kathmandu. Umabot naman sa 3,600 katao na ang nailigtas sa kanilang mga tahanan.

Ayon sa mga residente, kinailangan nilang tumalon mula sa isang bubong patungo sa isa pa upang makatakas sa tumataas na tubig-baha. Libu-libong bahay ang nalubog at mga rescue crew ay patuloy na gumamit ng mga helikopter at inflatable na bangka upang magligtas ng mga tao.

--Ads--

Kahit na inaasahan ang patuloy na pag-ulan hanggang Martes, may mga senyales ng bahagyang pagbuti noong Linggo. May ilang residente na nakabalik na sa kanilang mga bahay na puno ng putik, habang ang iba ay nanatili pa rin sa mga isolated na lugar dahil sarado pa rin ang mga pangunahing kalsada.

Samantala, hindi bababa sa 35 na bangkay ang nakuha mula sa mga sasakyang nalibing sa ilalim ng landslide sa Prithvi Highway, malapit sa Kathmandu, ayon sa mga pulis.

Ang karamihan ng mga pangunahing daan na nag-uugnay sa Kathmandu sa ibang bahagi ng bansa ay nananatiling hindi madaanan dahil sa mga landslide.