Patuloy ang paghataw ng mga atletang Pilipino sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan, habang ilang pambansang atleta ang nag-uwi na ng medalya at ang iba naman ay umaabante sa kani-kanilang kompetisyon.

Ayon kay Bryan Yabut, Bombo International News Correspondent sa Japan, kabilang sa mga unang nagbigay ng medalya sa Pilipinas ang women’s team sa soft tennis matapos masungkit ang bronze, na itinuturing na makasaysayang panalo ng national team sa naturang regional competition.

Kasunod nito, nakapag-uwi rin ng bronze medal si Filipino MMA fighter Carlos Alvarez matapos siyang matalo sa semifinals ng men’s traditional -77kg division kay Yerkingali Burkutalin ng Kazakhstan.

--Ads--

Nagawa ng Kazakhstani fighter na patumbahin si Alvarez sa ikalawang round at hindi na nakabangon pa ang Pinoy fighter. Samantala, umakyat naman sa finals si Jean Claude Saclag matapos talunin sa unanimous decision ang pambato ng host country na si Daisuke Murayama sa semifinals ng men’s traditional -65kg class.

Dahil dito, nagkaroon si Saclag ng pagkakataong pantayan o higitan ang silver medal na kanyang napanalunan sa wushu noong 2014 Asian Games sa Incheon, South Korea.

Makakaharap ni Saclag sa finals ngayong Martes, Setyembre 22, si Otabek Rajabov ng Tajikistan. Si Saclag ay three-time Southeast Asian Games gold medalist sa kickboxing.

Ayon pa kay Yabut, nagpakitang-gilas din ang Gilas Pilipinas Men’s team sa 3×3 basketball tournament matapos talunin ang Mongolia, 19-12.

Nanguna para sa Pilipinas si Nic Cabañero na nagtala ng pitong puntos at limang rebounds, habang nagdagdag naman si Koji Buenaflor ng anim na puntos at limang rebounds.

Nagpakita rin ng magandang performance ang magkapatid na sina Carlos at Karl Eldrew Yulo sa men’s artistic gymnastics qualifiers. Nanguna si Carlos sa floor exercise at umabante rin sa finals ng parallel bars at vault, habang nakapasok naman si Eldrew sa finals ng floor exercise at horizontal bar. Patuloy na tututok ang magkapatid sa kanilang laban para sa mga medalya habang nagpapatuloy ang kampanya ng Pilipinas sa gymnastics.