Tiniyak ni Dagupan City Councilor Marcelino Fernandez na magpapatawag sila ng isang pagpupulong kaugnay ng nalalapit na Bangus Festival upang matalakay ang kanyang panukala na lagdaan bilang “urgent” ang mungkahing pansamantalang pagsasara ng mga kalye ng Galvan, Zamora, at Jovellanos mula Marso 18 hanggang Hunyo 18.
Layunin ng hakbang na bigyang-daan ang pagkukumpuni ng mga kalsada at paghahanda para sa nalalapit na Bangus Festival.
Tugon ito ni Fernandez sa kahilingan ni Councilor Dada Reyna na magsagawa muna ng dayalogo sa mga negosyanteng maaapektuhan ng nasabing hakbang, lalo pa’t inaasahang tatagal ng tatlong buwan ang pansamantalang pagsasara ng mga kalsada.
Ayon sa city government, layunin nilang makapaglatag ng mga alternatibong hakbang upang hindi maapektuhan ang kabuhayan ng mga vendor at iba pang negosyante sa lugar.
Samantala, kaugnay ng nararanasang pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang gastusin, sinabi naman ni Dagupan City Councilor Michael Fernandez na mahalagang makapagbigay ang pamahalaan ng mga programang pangkabuhayan o livelihood opportunities upang madagdagan ang pagkakakitaan ng mga mamamayan.
Hiniling din niya sa mga street vendor na magbenta ng mas mura at abot-kayang produkto, dahil karamihan sa kanila ay wala namang binabayarang renta sa puwesto.
Sinang-ayunan naman ito ni City Councilor Dada Reyna at nanawagan sa mga nagtitinda sa mga baratilyo na huwag masyadong magtaas ng presyo ng kanilang paninda upang makatulong sa mga mamimiling kapos sa budget.










