Isang hindi inaasahang paglalakbay sa paglipas ng panahon ang natuklasan ng isang babae matapos makakita ng message in a bottle sa dalampasigan ng Dingle Peninsula halos 13 taon matapos itong ihagis mula sa Bell Island sa Newfoundland, Canada.

Ayon kay Kate Gay, kasalukuyan siyang naglalakad sa baybayin nang mapansin niya ang isang lumang bote ng alak na may papel sa loob.

Dinala niya ito sa kanilang pagpupulong sa bahay niya kasama ang grupong Creative Ireland Neart na Macharaí, at doon nila pinagtulungang basagin ang bote upang basahin ang mensahe.

--Ads--

Ang sulat ay isinulat ng magkasintahang sina Brad at Anita noong Setyembre 12, 2012, kung saan isinalarawan nila ang kanilang pagbisita sa Bell Island.

May nakasaad din na numero ng telepono sa liham, subalit walang sumagot nang ito’y subukang tawagan ng grupo.

Ibinahagi ng Maharees Heritage and Conservation group ang mga larawan ng bote sa social media, at makalipas lamang ang isang oras, nakipag-ugnayan na si Anita sa grupo.

Ayon kay Martha Farrell, isa sa mga miyembro ng grupo, sinabi ni Anita na ikinasal sila ni Brad noong 2016 at magkasama pa rin sila hanggang ngayon.

Isang tunay na kwento ng pagmamahalan, alaala, at mahimalang muling pagkaka-ugnay na dinala ng alon sa kabilang panig ng mundo.