DAGUPAN CITY — Matagal nang umiiral ang mga suliraning pangkaisipan, ayon kay Dr. Nhorly Domenden, Director ng Wundt Psychological Institute. Sa gitna ng patuloy na stigma laban sa depression, anxiety, at iba pang mental health issues, iginiit niyang hindi bago ang mga kondisyong ito, mas malinaw lamang ang pag-unawa sa mga ito sa kasalukuyan.

Taliwas sa pahayag ni Robin Padilla, binigyang-diin ni Domenden na noon pa man ay may mga taong dumaranas ng ganitong mga problema. Ang kaibahan lamang ay ang perspektibo ng lipunan. Kung dati ay iniuugnay ang mga sintomas sa paniniwalang supernatural, tulad ng kulam, ngayon ay nabigyan na ang mga ito ng tamang depinisyon, antas ng pagsusuri, at siyentipikong pangalan.

Sa patuloy na paglalabas ng mga komentaryong tila minamaliit ang mental health conditions, lalong nababalewala ang tunay na pinagdaraanan ng mga taong apektado nito. Ang pagtingin sa depresyon bilang kahinaan ay hindi lamang mali, kundi nakasasakit at nakapipinsala sa mga nangangailangan ng suporta at pag-unawa.

--Ads--

Kaugnay naman ng panukalang pagbabawal ng social media upang mabawasan ang paggamit nito ng mga menor de edad, iminungkahi ni Domenden na mas mainam ang regulasyon kaysa sa tuluyang pag-alis nito. Para sa maraming kabataan, nagsisilbing plataporma ang social media upang maipahayag ang sarili, makipag-ugnayan sa iba, at matuto. Ang ganap na pagbabawal nito ay maaaring magdulot ng mas malaking pinsala kaysa benepisyo.

Sa huli, nananatiling mahalaga ang masusing pag-unawa, wastong impormasyon, at malasakit sa pagtalakay sa usapin ng mental health—isang realidad na matagal nang bahagi ng ating lipunan.