DAGUPAN CITY- Isinusulong ang mental health bilang mahalagang bahagi ng women empowerment upang mapatatag ang resiliency ng mga kababaihan, lalo na sa harap ng diskriminasyon, pang-aabuso at matinding pressure mula sa lipunan.
Ayon kay Mika Cruz, mental health at guidance advocate, mahalagang maipaunawa sa kababaihan na may malalapitan sila at may sistemang handang umagapay sakaling may hindi magandang mangyari sa kanila.
Sinabi ni Cruz na ang adbokasiya ng empowerment ay hindi lamang nagbibigay-boses sa mga kababaihan kundi naghihikayat din sa mga kabataang babae na manindigan kapag sila ay nakararanas ng pananakit, pangmamaliit o diskriminasyon, maging sa loob ng tahanan o sa lugar ng trabaho.
Binigyang-diin din niya ang patuloy na hamon sa mga babae pagdating sa personal na desisyon, kung saan madalas pa ring may opinyon at pressure mula sa ibang tao sa lipunan kahit kinikilala na sa kasalukuyan ang kakayahan at ambag ng kababaihan sa iba’t ibang larangan.
Hinimok naman niya na ang mga kabataang nasa kolehiyo at kabilang sa bagong henerasyon na huwag maliitin ang sarili dahil lamang sa kanilang kasarian, iginiit niya na likas na madiskarte at may kakayahan ang mga babae na manguna sa pagbabago.
Nanawagan din siya sa kapwa kababaihan na magtulungan at magtaguyod ng isa’t isa sa halip na maghilahan pababa.










