DAGUPAN, CITY – Isang magandang hakbang para sa pagresolba sa pangangailangang medikal sa lalawigan ng Pangasinan ang napirmahang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng provincial government at Region 1 Medical Center (R1MC) para sa deployment ng Medical Specialists sa mga ospital sa probinsya.
Ayon kay Governor Ramon “Mon-Mon” V. Guico III, ang kanilang napagkasunduan ng R1MC ay makakatulong ng maigi para makapaglaan ng mga espesyalistang doctor sa labing apat na pagamutan sa ilalim ng pamamalakad ng lalawigan, at mabigyan ng sapat na atensyon medikal ang mga pasyente.
Aniya, sa 10 proposal ng naturang hakbang, isang magandang pagkakataon na sa ngayon ay tuluyan nang napagkasunduan ang naturang hakbang upang mas lalo pang mapabuti ang serbisyong medikal sa probinsya.
Magkakaroon umano ng rotation of days ang mga espesyalista ng naturang ospital depende sa pangangailangan ng mga priority hospitals na hawak ng lalawigan.
Ang naturang MOA rin ay makakatulong para hindi na lumayo at gumastos ng malaki ang isang Pangasinense sa pagpapagamot ng kanyang sakit na siya namang magiging magandang adhikain na nais umano ng provincial government.
Samantala, sa kabuuan ng aspetong medikal ng lalawigan, target ng administrasyon ni Guico na matutukan pa ang improvement ng struktura o mga pasilidad gayundin ang mga kagamitan sa mga ospital para mapalawig pa ang maayos na serbisyo para sa mga mamamayan.
Nakatutok umano si Guico sa pagbibigay ng pondo sa pagtugon sa aspetong medikal sa lalawigan lalo na sa pagpapalawig ng Universal Health Care law sa Pangasinan.