DAGUPAN CITY- Patuloy ang mga paghahanda ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng San Fabian upang matiyak ang kaligtasan ng mga beachgoers ngayong nalalapit na Semana Santa.
Pinaghihigpitan nila ang mga patakaran sa mga baybayin ng kanilang bayan upang maiwasan ang mga insidente ng pagkakalunod at iba pang aksidente sa mga baybayin
Ayon kay Engr. Lope Juguilon, Head ng Mdrrmo San Fabian, ang bayan ng San Fabian ay kilala sa mga magagandang dalampasigan na madalas na pinupuntahan tuwing Semana Santa.
Kaya’t nagsasagawa sila ng mga hakbang upang maiwasan ang mga aksidente, lalo na ang mga insidente ng pagkalunod.
Kasama sa mga paghahanda ang pagtatalaga ng mga lifeguards at mga emergency responders sa mga beach, gayundin ang pagpapalaganap ng mga paalala at babala sa mga dumadayo sa mga baybayin ng San Fabian.
Sa ngayon, mahigpit ang implementasyon ng mga patakaran at ang paglalagay ng mga babala tungkol sa kaligtasan sa mga beach. Ibinigay ng MDRRMO ang mga gabay para sa mga vacationers, kasama na ang mga paalala na huwag magtampisaw o lumangoy sa mga lugar na malalim ang tubig, at magsuot ng life vests kung kinakailangan.
Samantala, patuloy ang kanilang mga pagsasanay at koordinasyon sa mga lokal na awtoridad at mga ahensya upang matiyak na ang Semana Santa ay magiging ligtas at masaya para sa lahat ng mga dadayo sa San Fabian.