Dagupan City – Nagpaalala ang mga kinauukulan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Calasiao na maging maingat at mapagmatyag sa paglangoy ngayong panahon ng tag-init upang maiwasan ang mga insidente ng pagkalunod.

Kasabay ng pagdagsa ng mga tao sa mga resort, ilog, at dagat, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsunod sa mga panuntunang pangkaligtasan.

Kabilang sa mga ipinayo ang paglangoy lamang sa mga lugar na may lifeguard, pag-iwas sa paglangoy nang mag-isa, at ang mahigpit na pagbabantay sa mga bata.

--Ads--

Pinayuhan din ang publiko na huwag maligo o lumangoy kung nakainom ng alak at tiyaking sapat ang kaalaman sa paglangoy bago pumunta sa malalim na bahagi ng tubig.

Hinimok din ang mga magulang at tagapag-alaga na laging bantayan ang kanilang mga kasama, lalo na ang mga bata, upang maiwasan ang aksidente. Ipinaalala rin ang kahalagahan ng paggamit ng life vest kung kinakailangan.

Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na pairalin ang disiplina at pag-iingat upang matiyak ang ligtas at masayang bakasyon ngayong tag-init.