DAGUPAN CITY- Nilinaw ni Binmaley, Pangasinan Mayor Pedro “Pete” Merrera III ang usapin kaugnay sa mga stall na matatagpuan sa harap ng 104th Community Defense Center (CDC) sa loob ng Camp Andres Malong Military Reservation sa bayan ng Binmaley.

Ayon sa alkalde, naging bahagi ng tinalakay sa committee hearing na ipinatawag ni Pangasinan 2nd District Congressman Mark Cojuangco ang mga katanungan hinggil sa pag-iisyu ng building permits, business permits, occupancy at land use authorization, pati na ang iba pang regulatory clearances kaugnay sa mga negosyong nakapwesto sa nasabing lugar.

Ipinaliwanag ni Merrera na bagama’t hindi siya personal na nakadalo sa pagdinig, ipinadala niya ang municipal administrator upang kumatawan sa kanya, kasama ang mga kinatawan mula sa tanggapan ng municipal engineer, assessor, at Business Permit and Licensing Office upang sagutin ang mga katanungan ng komite.

--Ads--

Isa sa mga pangunahing isyu na tinalakay ay ang mga nagtitinda na may mga stall sa harap ng 104th CDC, kung saan ang lupang kinatatayuan ng mga ito ay pagmamay-ari ng pamahalaan at bahagi ng Camp Andres Malong Military Reservation.

Ayon sa alkalde, ang papel lamang ng lokal na pamahalaan ay ang pag-iisyu ng business permit para sa operasyon ng negosyo at hindi ito nangangahulugan na nagbibigay ang munisipyo ng awtoridad o pagmamay-ari sa lupang kinatatayuan ng mga stall.

Dagdag pa niya, ang nasabing lugar ay sakop ng hurisdiksyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), kaya’t ang mga usapin hinggil sa paggamit ng lupa at pagbibigay ng karapatan sa mga nakapwesto roon ay hindi saklaw ng kapangyarihan ng lokal na pamahalaan.

Binanggit din ng alkalde na matagal nang naroroon ang ilang stall sa lugar bago pa man siya maupo bilang alkalde ng Binmaley.

Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa umano siyang natatanggap na direktiba hinggil sa pagpapatanggal sa mga ito.

Giit ni Merrera, kung may mga katanungan o aksyon na kailangang gawin kaugnay sa paggamit ng naturang lupa, nararapat na ito ay idulog sa mga ahensyang may direktang hurisdiksyon sa lugar.