Nagbabala si Dr. Glenn Soriano, US Doctor, Natural Medicine Advocate, ukol sa matinding panganib ng leptospirosis tuwing panahon ng baha, lalo na sa mga lugar na lubog sa maruruming tubig.

Ayon kay Dr. Soriano, ang leptospirosis ay dala ng Leptospira bacteria na karaniwang nagmumula sa ihi ng mga daga.

Aniya kapag bumabaha, nawawalan ng masisilungan ang mga daga kaya sila’y nagpa-panic dahilan upang sila ay ihi nang ihi.

--Ads--

Dahil din dito ay mabilis na kumakalat ang bacteria sa tubig-baha.

Ipinunto naman ni Dr. Soriano na hindi mahahawa sa leptospirosis kung hindi lulusong sa baha ngunit kung kinakailangang lumusong, dapat ay may protective wear tulad ng bota o gloves.

Samantala, karaniwang sintomas ng leptospirosis ay flu-like lamang: lagnat, panghihina, pagsusuka, at pagkahilo.

Kung saan ang incubation period nito ay nasa 2 hanggang 7 araw, ngunit sa ilang kaso, maaaring lumitaw ang sintomas kahit matapos ang 30 araw.

Iba-iba rin ang tindi at tagal ng sintomas depende sa kalusugan ng immune system ng pasyente at mas madaling tamaan ang mga may pre-existing conditions.

Ayon pa kay Dr. Soriano, mahalagang magpa-blood test agad kung may kahina-hinalang sintomas lalo na at may tatlong phase ang leptospirosis, at maaaring maapektuhan ang ilang vital organs dahil dito.

Nagpaalala naman ito sa publiko na laging mag-ingat at protektahan ang sarili, lalo na sa panahon ng kalamidad upang makaiwas sa anumang sakit o karamdaman.