Dagupan City – Magsisilbing pasilidad ng mga nasa 30,000 Migrants ang nakatakdang ipatayong Mass detention camp facility.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa USA, ito umano ang simbolo na seryoso si US President Donald Trump sa kaniyang pangako sa bansa.

Kung saan, ang nasa 30,000 Migrants na maninirahan dito ay ang mga indibidwal na ultimo kanilang sariling bansa ay hindi sila tinatanggap.

--Ads--

Nauna naman nang nilinaw ni Pascual na ang mga inaaresto at hinuhuli lamang ay ang mga migrante na ilegal na naninirahan sa bansa at may kaugnayan sa mga krimen at ilegal na aktibidad. Gaya na lamang ng pagkakasangkot sa ilegal na droga, rape at iba pa.

Samantala, nakahanda naman ang embahada ng Pilipinas sa pangunguna ni Philippine Ambassador to the US na si Jose Manuel Romualdez na tulungan ang mga Pinoy na nakatakdang madeport.

Kaugnay nito, may mga ilan ding Filipino Overseas Lawyers na handang tumulong at maging abogado ng ating kababayan dahil ayon kay Pascual aabot sa US$15,000 hanggang US$24,000 ang magagstos ng mga ito.

Sa kabilang banda, pansamantala namang itinigil ng White House ang kautusan nilang pag-freeze ng mga federal grants at loans.

Nangangahulugan na ititigil umano ang lahat ng aktibidad na may kinalaman sa obligasyon o disbursement ng lahat ng mga federal financial assistance.