Dagupan City – Mas pinaigting ng lokal na pamahalaan ng San Carlos City, katuwang ang kapulisan at iba pang ahensya ng seguridad, ang mahigpit na pagpapatupad ng curfew hours sa buong lungsod sa layuning mapanatili ang kaayusan, katahimikan, at kaligtasan ng mga mamamayan
Ang nasabing curfew ay epektibong umiiral mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw, at ito ay mahigpit na sinusunod sa lahat ng barangay at mga pampublikong lugar sa lungsod.
Ang panukalang ito ay bahagi ng mga hakbang upang mabawasan ang insidente ng kriminalidad, gulo, at iba pang mga di-kaaya-ayang pangyayari na kadalasang nagaganap sa kalaliman ng gabi.
Bukod dito, layunin din ng pamahalaang lungsod na itaguyod ang disiplina sa hanay ng mga residente, partikular na sa mga kabataan na madalas ay napapabarkada sa gabi at nasasangkot sa mga insidente ng karahasan o paglabag sa batas.
Upang matiyak ang mahigpit na pagpapatupad ng naturang ordinansa, regular na nagsasagawa ng masinsinang pagbabantay, checkpoint, at pagroronda ang mga tauhan ng San Carlos City Police sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Mahigpit nilang binabantayan ang mga pangunahing lansangan, eskinita, at iba pang lugar na kilalang pinupuntahan sa gabi.
Ang sinumang mahuhuling lumalabag sa itinakdang oras ng curfew, lalo na ang mga walang sapat na dahilan o dokumento upang makalabas, ay maaaring arestuhin at dalhin sa presinto upang maimbestigahan.
Maaari rin silang pagmultahin o patawan ng kaukulang community service, depende sa bigat ng paglabag.
Ipinaalala naman ng mga awtoridad sa publiko na ang curfew ay hindi ipinapatupad upang maging hadlang sa kanilang kalayaan, kundi bilang isang makabuluhang hakbang upang tiyakin ang kanilang seguridad, lalo na sa panahon na mataas ang banta ng mga krimen at iba pang panganib sa lipunan.