Dagupan City – Ipinaliwanag ni Marcelino Villafuerte II, Deputy Administrator for Research and Development ng DOST-PAGASA ang posibleng maging epekto ng umiiral na La Niña sa dami ng pag-ulan sa bansa nitong mga nakaraang buwan.
Ayon sa kanya, karaniwang inaasahan ang mas mataas na dami ng pag-ulan tuwing unang bahagi at huling bahagi ng taon.
Noong huling quarter ng nakaraang taon, nakaranas ang bansa ng mas malakas at mas madalas na pag-ulan, bukod pa sa mga dumaan na mga tropical cyclone.
Ipinaliwanag din na dahil sa malawakang kondisyon ng panahon gaya ng La Niña, nakapagtala ng labis na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa, partikular sa Mindanao at Visayas.
Samantala, sa Northern Luzon, kabilang ang Region 1, hindi gaanong mataas ang naitalang pag-ulan sa unang quarter ng taon.
Gayunpaman, sa huling bahagi ng nakaraang taon ay nakaranas din ang ilang lugar sa Northern Luzon ng mas mataas sa karaniwang rainfall, bunsod pa rin ng epekto ng La Niña.
Patuloy namang binabantayan ng DOST-PAGASA ang lagay ng panahon upang makapagbigay ng maagap na babala at impormasyon sa publiko.










